Diocese of Imus, Pormal nang Binuksan ang Season of Creation 2026

by Diocesan Media

https://www.dioceseofimus.org/assets/images/photo-will-be-posted-soon.png

Diocese of Imus, Pormal nang Binuksan ang Season of Creation 2026

September 11, 2026 by Diocesan Media

INDANG, CAVITE – Pormal nang binuksan ng Diocese of Imus Ministry on Ecology (DIMEc) ang Season of Creation 2026 noong Setyembre 1, 2026, sa St. Vincent Ferrer Parish, Lumampong, Indang, Cavite.

Pinangunahan ni Rev. Fr. Miguel Reyes Concepcion III ang Banal na Misa, kasama si Rev. Fr. Samuel Lubrica, Kura Paroko ng St. Vincent Ferrer Parish, bilang concelebrant. Nauna rito ang paglahok ng mga dumalo sa nobenaryo para sa Solemnity of the Nativity of Mary, na nagsilbing Morning Prayer.

Sa kanyang homiliya, binigyang-diin ni Fr. Miguel ang tema ngayong taon na “Immersion in Living Water,” mula sa Ezekiel 47:9–12, na tumutukoy sa tubig na nagbibigay-buhay saanman ito dumaloy.

Ipinaalala niya na ang sangnilikha ay hindi Diyos, ngunit nagsisilbing daan upang makilala ang Maylalang. Binigyang-diin din niya na ang tunay na “immersion in living water” ay hindi lamang tungkol sa pangangalaga sa mga ilog, dagat, bukal at watershed, kundi higit sa lahat ay ang pagbabad sa Diyos na siyang bukal ng lahat ng buhay.

Iniugnay rin ng homiliya ang tema sa mga “bagyo” na kinakaharap ng sangnilikha—kabilang ang climate change, polusyon, pagkasira ng mga ecosystem, kakulangan sa tubig at pagdurusa ng mga mahihirap na higit na naaapektuhan ng ecological destruction.

Binigyang-diin na ang hamon ng Season of Creation ay hindi lamang kung paano ililigtas ang sangnilikha, kundi kung paano mababago ng Diyos ang puso ng tao upang maging tapat na katiwala ng Kanyang nilikha.

Matapos ang Banal na Misa, isinagawa ang ikalawang round ng tree planting and tree growing activity sa isang lupang itinakda para sa pagpapaunlad bilang bahagi ng environmental initiatives ng Diyosesis.

Mula sa Diocesan Seedling Bank sa Chapel of Our Lady of the Rosary sa Kalayaan Homes, Molino II, Bacoor City, 36 na punla mula sa 15 species ng native at lokal na puno ang dinala at itinanim. Kabilang dito ang kamagong, malagaitmon, igang, anang, banuyo, narra, bani, tindalo, rubber tree at lanete.

Ito na ang ikalawang beses ng pagtatanim matapos ang unang aktibidad noong huling linggo ng Hulyo, kung saan pitong species—narra, molave, bayag-usa, bitaog, banaba, dao at kamagong—ang itinanim bilang pagpapakita ng pananagutan at commitment ng DIMEc sa pagpapaunlad ng lugar.

Isinagawa ang pagtatanim sa kabila ng pabago-bagong panahon, mula sa pag-ulan hanggang sa matinding sikat ng araw.

Matapos ang aktibidad, nagsagawa ang mga kalahok ng fellowship lunch na walang single-use plastic bilang pagsasabuhay ng pangangalaga sa kalikasan. Sinundan ito ng business meeting kung saan tinalakay ang mga plano at susunod na hakbang para sa buong Season of Creation 2026.

Kabilang sa mga napagkasunduan ang pagbuo ng pahayag hinggil sa Pax Silica, pag-e-evaluat- sa mga nakaraang aktibidad, paghahanda para sa mga susunod na programa. Napag-usapan din ang pagsusulong ng diyalogo sa obispo upang higit na maisakatuparan ang 10-point agenda ng 2019 Circular Letter on Zero-Waste ng Diyosesis.

Sa pamamagitan ng mga gawaing ito, patuloy na isinasabuhay ng Diocese of Imus ang panawagan para sa sama-samang pananagutan at pagkilos para sa pangangalaga sa ating Common Home.

Diocese of Imus Logo

General Castañeda St, Pob-1A

City of Imus, Cavite, 4103

Email: [email protected]

Phone: (046) 471-2786

Privacy Policy

Version: v1.4.6