IMUS CITY - Sa panahong ito ng Hubileo, minarapat ng Diyosesis ng Imus, sa pakikipagtulungan ng Caritas Imus at iba't ibang ministri ng diyosesis na pagtuunan ng pansin ang Panlipunang Katuruan ng Simbahang Katolika o ang Catholic Social Teachings (CST). Layunin nito na mas mapalalim ang ating pag-unawa sa mga pinahahalagahan natin bilang isang sambayanang Kristiyano.
Ang CST ay koleksyon ng mga prinsipyo at aral ng Simbahan na tumatalakay sa katarungang panlipunan, dignidad ng tao, at moral na pananagutan sa lipunan. Nakaugat ito sa Banal na Kasulatan, sa mga sulat ng mga Santo Papa, at sa Tradisyon ng Simbahan.
Narito ang pitong pangunahing prinsipyo ng CST (maaaring i-click ang mga link upang mapanood ang kaugnay na mga video):
- Dignity of the Human Person
- Ang bawat tao ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos, kaya’t may likas na dignidad at karapatang pantao.
- Call to Family, Community, and Participation
- Ang tao ay panlipunang nilalang. Mahalaga ang pamilya bilang pundasyon ng lipunan, at may tungkulin tayong makilahok sa buhay pampubliko.
- The Dignity of Work and the Rights of Workers
- Ang paggawa ay hindi lamang para kumita, kundi isang paraan ng pakikibahagi sa paglikha ng Diyos. Dapat igalang ang karapatan ng mga manggagawa.
- Solidarity
- Tayong lahat ay magkakapatid. Dapat tayong magkaisa at magtulungan, lalo na sa panahon ng kagipitan.
- Rights and Responsibilities
- May karapatan ang bawat isa sa mga bagay na kailangan para sa isang marangal na buhay, ngunit may kaakibat itong pananagutan sa kapwa at sa lipunan.
- Option for the Poor and Vulnerable
- Dapat bigyang-pansin at unahin ang kapakanan ng mga mahihirap at naaapi.
- Care for God’s Creation
- Tungkulin nating pangalagaan ang kalikasan bilang tagapangalaga ng nilikha ng Diyos.
Ang mga prinsipyong ito ay hindi lamang teorya—ito ay paanyaya sa pagkilos. Sa gitna ng kaguluhan sa mundo, paalala sa atin ng CST na ang pananampalataya ay hindi natatapos sa dasal. Ito ay isinasabuhay sa pamamagitan ng paggalang sa karapatan ng bawat isa, pagkalinga sa mahihirap at naaapi, pagkakaisa sa gitna ng pagkakaiba, pagprotekta sa kalikasanm at pagpapahalaga sa pamilya at komunidad.
"Ang pananampalatayang walang gawa ay patay." – Santiago 2:26
Nawa’y maging buhay ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa kapwa at pagtindig para sa katarungan. Sa bawat maliit na kabutihang ginagawa natin—isang ngiti, isang tulong, isang panalangin—tayo ay nagiging liwanag sa mundong madilim.
__________________________________________________________________
Follow our official social media accounts:
Facebook: https://web.facebook.com/dioceseofimus
Jubilee 2025 Facebook page: https://www.facebook.com/Jubilee2025DioceseOfImus
YouTube: https://www.youtube.com/@dioceseofimus1961
#DioceseOfImus #Jubilee2025 #LakbayPagAsa #PilgrimsofHope #CaritasImus #MakaBuhayMonth #SapatDapatParaSaLahat #MinistriSaKabataan #MinistriSaPanlipunangKomunikasyon #MinistriSaPagkalinga #PanlipunangKaturuan #CatholicSocialTeaching #LifeAndDignity #FaithInAction