Mga Minamahal na kapatid kay Kristo, Pagbati ng kapayapaan!
Ang Miyerkoles ng Abo ay hudyat ng pagsisimula ng Panahon ng Kuwaresma. Ito ay isang mahalagang yugto sa buhay ng Simbahan upang mas mapalalim pa ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pananalangin, pag-aayuno, at pagkakawang-gawa. Batid natin na ang ating pananampalataya ay may kabuluhan kapag ito ay nagbubunga ng kabutihan.
Dahil dito, inilulunsad nating muli ang FAST2FEED Campaign para sa taong 2026 ng HAPAG-ASA Integrated Feeding Program ng PONDO NG PINOY Community Foundation upang mas mapalalim pa ang ating pagkakawanggawa. Layunin ng FAST2FEED CAMPAIGN na ipunin ang mga donasyon na nagmumula sa mga parokya, diyosesis, indibidwal, kabataan, estudyante, guro, at sinumang nagnanais tumulong. Ang mga nalilikom na pondo ay inilalaan sa Hapag-Asa Feeding Program, na tumutugon sa problema ng gutom at malnutrisyon ng mga batang Pilipino.
Ayon sa United Nations Children's Fund (UNICEF),
► Araw-araw, 95 na batang Pilipino ang namamatay dahil sa malnutrisyon.
► 27 sa bawat 1,000 bata ay hindi umaabot sa kanilang ikalimang kaarawan.
► Isa sa bawat tatlong batang Pilipino ang nakararanas ng stunting o hindi tamang paglaki para sa kanilang edad. Ang stunting matapos ang dalawang taong gulang ay maaaring maging permanente at maaaring humantong sa malubhang sakit o kamatayan.
Sa gitna ng hamong ito, ang Pondo ng Pinoy, sa diwa ng tuloy-tuloy na pagtulong kahit "maliit ngunit malimit," ay patuloy na nagbibigay ng pag-asa. Sa pamamagitan ng FAST2FEED Campaign, maaari tayong maging daluyan ng tulong para sa mga kabataang dumaranas ng gutom at malnutrisyon. Mula sa ating simpleng pag-aayuno lalo na ngayong Panahon ng Kuwaresma, maaari tayong maging kasangkapan ng Diyos upang mapawi ang gutom ng mga batang nangangailangan.
Upang mapakain ang isang batang nagugutom, kailangan lamang ng P15 pesos kada araw upang makakain sa loob ng 120 araw, o Pl,800 para sa anim (6) na buwan. Kapag hindi natugunan ang maltrunisyon lalo na sa mga batang hindi pa pumapasok sa paaralan, hindi magiging maayos ang kalusugan o development ng kanilang utak (brain development). Kaya naman ang magiging epekto nito ay hindi sila matututo pag pumasok na sila sa paaralan. Ang maltrunisyon, ayon sa pag-aaral ng mga dalubhasa ang isa sa ugat kung bakit ang mga Pilipinong mag-aaral ay napag-iiwanan ng ibang mga bansa sa Asya.
Anumang matitipid natin mula sa pag-aayuno ngayong Kuwaresma ay maaari nating ihandog sa Pondo ng Pinoy upang makatulong sa pangmatagalang pagbabago sa buhay ng mga batang nangangailangan.
Ang Pondo ng Pinoy at Assisi Foundation ay nangangarap ng ganap na buhay (fulness of life), para sa mga batang mula sa mahihirap na pamilya at laylayan ng ating lipunan. Sa pamamagitan ng ating suporta sa FAST2FEED, makapagbibigay tayo ng masustansyang pagkain upang mabigyan sila ng pagkakataong magkaroon ng maayos na kalusugan, tamang paglaki, at ganap na pakikilahok sa lipunan.
Paano tayo makakatulong?
► Mag ayuno sa panahon ng Kuwaresma at ialay ang anumang matitipid sa Pondo ng Pinoy. Anumang halagang maitatabi bawat araw ay maaaring ipagkaloob bilang donasyon.
► Maaaring maghandog ng donasyon tu.wing misa sa mga sobreng inilaan para sa FAST2FEED Campaign.
► Maaaring humingi ng sobre sa opisina ng inyong parokya o diyosesis para sa FAST2FEED Campaign.
► Maaaring mag-donate sa pamamagitan ng bank transfer o QR code. Para sa accountability at transparency maaari ninyong ipadala sa Pondo ng Pinoy ang resibo o patunay ng inyong donasyon.
Simula noong 2005, mahigit dalawang milyong bata na ang ating natulungan. Sa pamamagitan ng ating kolektibong pagkilos, ang ating mga tulong, gaano man kaliit, ay mga konkretong tanda ng biyaya ng Diyos.
Ngayong Panahon ng Kwaresma, inaanyayahan ko ang lahat na makiisa sa mahalagang programang ito. Sa ating mga panalangin at pag-aayuno, alalahanin natin ang mga batang nagugutom at magbahagi tayo ayon sa ating kakayanan upang magbigay pag-asa sa kanila. Ang pagkakawang-gawa, ang paglingap sa mga nangangailangan ay tu.nay na kalugod-lugod sa Diyos at Kanyang gagantimpalaan.
Ang kadalisayan ng ating puso at kabutihang-loob ay nakikita ng ating Panginoon, sapagkat winika Niya:
"Ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim, ang Siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala." (Mateo 6:6)
Nawa ang ating mga pagsusumikap ay maging banal na handog at magsilbing pag-asa para sa mga nangangailangan.
Pagpalain nawa kayong lagi ng ating Panginoon.
Lubos na gumagalang,
+REYNALDO G. EVANGELISTA, D.D.
Obispo ng Imus