Tanza, Cavite — Sa pagpapatuloy ng Pamanampalataya Sessions na pangungunahan ng Ministry on Cultural Heritage of the Church, binigyan ng pagsasanay ang mga kalahok hinggil sa wastong pag-iingat at pangangalaga sa mga lumang dokumento ng Simbahan.
Sa tulong ng Library & Archives Unit ng De La Salle Brothers, Inc., isinagawa ang isang workshop-seminar na naglalayong palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa conservation, preservation, at wastong pag-iimbak ng mga dokumentong pangkasaysayan.
Tinalakay sa pagsasanay ang mga pangunahing pamamaraan sa pangangalaga ng mga lumang dokumento upang maiwasan ang pagkasira dulot ng maling paghawak, hindi angkop na mga kondisyon, at iba pang salik na maaaring makaapekto sa kanilang kalagayan.
Binigyang-diin din sa workshop ang kahalagahan ng maingat na pangangalaga sa mga dokumento bilang bahagi ng pamanang pangkasaysayan at eklesiyastiko ng Simbahan. Sa pamamagitan ng wastong pangangalaga, napapanatili ang mga tala at salaysay na nagsisilbing mahalagang batis ng kasaysayan ng mga pamayanan at ng buhay-pananampalataya ng mga mananampalataya.
Ang nasabing pagsasanay ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Ministry on Cultural Heritage of the Church na palakasin ang kamalayan at kakayahan ng mga tagapag-ingat ng mga yamang pangkasaysayan ng Simbahan, upang ang mga ito ay mapangalagaan at maipamana sa mga susunod na salinlahi.