GMA, CAVITE — Ipinagpatuloy noong Setyembre 30, 2026, sa San Jose Manggagawa Parish, GMA, Cavite, ang Pastoral Care Training ng Ministri sa mga May Karamdaman, na dinaluhan ng mga pastoral care volunteer bilang bahagi ng patuloy na paghahanda sa kanilang paglilingkod sa mga may karamdaman.
Tinalakay sa pagsasanay ang “How to Minister to Geriatric or Elderly Sick Persons,” na nakatuon sa mga wastong paraan ng pagbibigay ng pastoral na pangangalaga sa mga matatandang may karamdaman.
Binigyang-diin sa talakayan ang kahalagahan ng pag-unawa sa natatanging pangangailangan ng mga matatanda, lalo na sa kanilang pisikal, emosyonal, at espirituwal na kalagayan. Mahalaga rin ang pagiging mahinahon, mapagpasensya, at maingat sa pakikipag-usap upang maipadama sa kanila ang paggalang, dignidad, at malasakit.
Bahagi rin ng pastoral care ang pagiging present sa mga matatandang nakararanas ng karamdaman—ang pakikinig sa kanilang mga kuwento at pangangailangan, pakikipag-ugnayan sa kanilang pamilya, at pagbibigay ng espirituwal na suporta sa pamamagitan ng panalangin at presensya.
Sa pamamagitan ng patuloy na paghubog sa mga pastoral care volunteer, higit silang inihahanda upang maging maingat at mahabaging presensya ng Simbahan sa mga taong nangangailangan ng kalinga, lalo na sa mga matatandang dumaraan sa karamdaman at kahinaan.